Saturday, August 18, 2007

"Kabayaran" ni Diorella Tiu

Simula ng maaprubahan ang batas na “Anti-Terrorism Bill” marami ng katanungan ang umusbong sa mga mamamayan; maging sa mga kabataan, katulad namin, na wala namang pakialam sa gobyerno at sa kahit ano pang kaugnay nito. Marami ang sumasang-ayon dito, marami rin ang sumasalungat. Sino nga ba talaga ang dapat kampihan? Sa aking palagay, mas nananaig ang mga oposisyon kung kaya't maging ako ay napapaisip kung lahat ng nakasaad sa batas ay dapat pa bang paniwalaan. Bilang isang batas, ito ay may katangian upang tumugon sa hinihinging tulong at magpagaan ng buhay ng mga mamamayan; ngunit, pag inyong naintindihan ang buong konsepto ng Human Security Act, marahil parehas na tayo ng iniisip: ang nakapaloob ba dito ay wasto at makatarungan? Isa itong mabigat na pagpaparatang ngunit sadyang hindi maiwasan ang mga ganitong isyu. Kasabay pa ng pagtutuligsang ito ang pagsulpot ng isa pang katanungan na mas lalong dapat nating sagutin: bakit nga ba sa kabila ng magandang intensyon ng batas na ito ay lumalabas pa rin ang mga taong tila kontra dito?

Sa aking pagbabasa ayon sa nasabing batas, may isang parte ng R.A. No. 9372 ang nakakuha ng aking atensyon. Kapag ikaw ay naakusahan bilang isang terorista at ito ay napatunayan, mabigat ang iyong kaparusan (basahin ang FULL TEXT ng R.A. 9372; sa ibaba) ngunit, naisip niyo ba ang maaaring kapalit kung sakaling hindi ito napatunayan? Ayon sa Section 50: “Damages for Unproven Charge of Terrorism” ng R.A. 9372, ipinapaloob nito ang karagdagang kabayaran bilang pamalit sa: mga araw na binilang mo sa loob ng kulungan ng walang kaso o sa pag-aalis sayo ng kalayaan upang gawin ang mga bagay na maaari mo naming gawin. Ang halaga ng pera na nakasaad bilang kapalit ay nagkakahalagang P500,000. (Source: www.senate.gov.ph/republic_acts/ra%209372.pdf)

Awtomatikong sisingilin ang ahente ng polisya o ang Anti-Terrorism Council na responsable sa pagpapakulong sa nasabi, ngunit hindi napatunayang salarin. Pagkalipas ng libinlimang (15) araw mula sa pagpapalaya ng biktima, doon lamang ilalabas at ibibigay ang nasabing kabayaran. Kapag ito nama’y hindi naibigay sa tamang panahon, maaaring makulong ang ahensyang nakatakdang magbayad ng anim (6) na buwan. Kapag hindi naman sapat ang salaping kayang ibigay ng ahensya, kukunan ang karagdagang halaga sa iba pang pondo ng “Office of the President” o kapag hindi talaga sapat ang badyet nila para dito, agad-agad itong ibabawas sa badyet nila sa susunod na taon. Sinasabi din sa seksyon na ito na hindi dahilan ang pera upang pigilan ang nasabing naakusahan na idemanda ang mga taong dahilan sa kanyang pagkakakulong. Maaari nyang gawin ang lahat upang maipagtanggol ang sarili sa kahirapan na kanyang natamo.

Ganito na lang ba kadali ang lahat? Para sa akin, hindi sapat ang salapi upang mabayaran ang kahihiyan at pagpapasakit na naranasanng isang bilanggo. Kasabay ng mga pagpapahirap nila ay ang paglabag sa mga karapatang pantao nito: tinatanggalan nila tayo ng kalayaan upang magawa ang ating gusto kahit may konting limitasyon. Kapag napagbintangan ka bilang isang terorista, ito ay kakalat sa mga dyaryo, telebisyon, radyo, at kung anu-ano pang paraan ng pagbabalita. Makikilala ka ng buong mundo bilang isang kalaban ng bansa. Dahil dito, maaaring mawalan ng tiwala ang mga taong nasa paligid ng naakusahan. Kahit na sabihin nating sa huli ay hindi ito napatunayan at itong balitang ito ay muling kumalat sa buong mundo, hindi tayo makakatiyak na maniniwala pa rin sa iyo ang mga tao. "Minsan na syang napagbintangan," ito ang kadalasang sagot ng mga tao. Ibig sabihin nito, mayroon ka talagang gawi na maaaring sabihin na isa ka ngang terorista. "Pagbibintangan ka ba nila kung wala kang ginagawang masama?" Gaya nga ng sabi nila, ang pagtitiwala ang pinakamahirap na ibalik na bagay sa oras na ito ay nawala. Hindi ganoon kadaling ibalik iyon lalo na kung ang tiwala ng buong mundo ang iyong nasira.

Paano kaya ito masusulusyunan ng gobyerno? May mga tinakda ba silang proseso upang bumalik sa normal ang buhay ng kanilang naagrabyado? Masasabi ba natin malaking tulong ang P500,000 na ipagkaloob sa iyo kung sakaling ikaw ay napawalang sala? Ilan kaya ang magiging biktima nito? Makatarungan ba ito kung pag-uusapana ng karapatang pantao? Malalagay ba sa mabuting kondisyon ang ating bansa kung sakaling may mga indibidwal na mapagbintangan na wala namang kasalanan? Hanggang kailan tayo magiging sunud-sunuran sa ganitong pagpapalakad? Ngayon, dapat tayong mag-isip. Hindi dapat tayo madaan sa kahit ano mang halaga dahil unang-una, reputasyon at dignidad na natin ang winasak ng batas na ito. Walang kahit ano mang bagay o pera ang pwedeng kabayaran sa mga pasakit at masamang impresyon na natamo natin.

Bilang isang estudyante na may pakialam sa nangyayari sa kasalukuyan, nandito ako upang ibigay ang ilan sa mga aking pagpapalagay ukol dito: dapat ay kabilang sa nasabing batas ang mga dapat isaalang-alang ng gobyerno upang matulungan ang naakusahan. Hindi lamang dapat maging basehan ang salapi upang matugunan ang iba pang pangangailangan nila. Samakatuwid, kung maaari ay mabigyan pa ng mas malalim na atensyon at gabay ang mga salarin na naging biktima. Tulungan silang umahon sa kahihiyan at pagpapahirap. Tulungan silang muling ibalik ang sigla na kanilang nararanasan nung mga panahon sila ay kilala bilang mga inosenteng mamamayan ng bansa.

No comments: