Saturday, August 18, 2007

"Terorista" ni David Arquero

Isinasaad sa mga diktyonaryo na ang isang terorista ay isang taong nagdudulot ng malawakang pangamba sa isipan ng publiko sa kabuoan. Ang salitang ito ay bigla na lamang napasok sa bokabularyo ng lahat matapos tuluyang pabagsakin ng mga suicide bombers ang World Trade Center sa New York City, U.S.A. Ang pangulo ng Estados Unidos na si George W. Bush, kasama ang kanyang mga kasapi (kabilang dito si Madame Gloria Macapagal-Arroyo) ay naghayad ng digmaan laban sa mga terorista. Ngunit, ang kahulugan ng terorista na isinaad sa taas at nakasulat sa mga libro ay hindi gaanong malinaw upang matukoy natin kung ang isang tao nga ay terorista o hindi. Ang ating gobyerno ay may nakasulat na batayan upang epektibong maparatangan ang isang tao ng terorismo. Eto ang mga nakasaad sa ating konstitusyon:

1. Article 122 (Piracy in General and Mutiny in the High Seas or in the Philippine Waters);
2. Article 134 (Rebellion or Insurrection);
3. Article 134-a (Coup d‘Etat), including acts committed by private persons;
4. Article 248 (Murder);
5. Article 267 (Kidnapping and Serious Illegal Detention);
6. Article 324 (Crimes Involving Destruction)
7. Presidential Decree No. 1613 (The Law on Arson);
8. Republic Act No. 6969 (Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Waste Control Act of 1990);
9. Republic Act No. 5207, (Atomic Energy Regulatory and Liability Act of 1968);
10. Republic Act No. 6235 (Anti-Hijacking Law);
11. Presidential Decree No. 532 (Anti-piracy and Anti-highway Robbery Law of 1974); and,
12 Presidential Decree No. 1866, as amended (Decree Codifying the Laws on Illegal and Unlawful Possession, Manufacture, Dealing in, Acquisition or Disposition of Firearms, Ammunitions or Explosives)

Taliwas sa mga nasa isip ng nakararami, ang mga terorista ay hindi lamang ang mga mukhang barbarong lalaki na pawang naka-itim na mascara at may hawak na baril. Ngayon, pati ang mga nagbebenta ng mga piniratang VCD’s at DVD’s pati na rin ang mga tumatangkilik ditto ay maaari na ring bansagan bilang isang terorista. Kung gayon ay ang mga taong napapadalas ang punta sa Greenhills, Ruins, RFC at iba pang kilalang kuta ng mga pirated CD’s ay maaaring damputin at kasuhan ng terorismo. Hindi ko labis maisip na ang salitang terorista ay napalawak na ang kahulugan. Kung dati ay homicide lang ang maaaring maging kaso ng isang mamamatay-tao ngunit ngayon ay pati pagiging isang terorista ay pwede narin iparatang sa kanya. At, ang mas magulo pa dito ay magiging magkasing-bigat lamang ang kaso na makukuha ng isang pumatay at isang namirata lamang.

Ang kahulugan ng terorista sa mga diktyonaryo at ang kahulugan nito ayon sa ating gobyerno ay hindi masyadong tugma. Sinasabi sa diktyonaryo na ang isang terorista ay isang taong naglalagay ng takot sa kabuoan ng madla sa kabilang dako naman ay binibigyang-kahulugan ng ating gobyerno ang salitang ito sa mga batas na nakasaad sa ating konstitusyon. Ngayon ay masasabi ba natin na ang isang coup d’etat ay naghahasig ng takot sa ating lipunan? Sa palagay ko ay hindi. Ang tanging takot dito ay ang ating gobyerno lamang. Masasabi ba natin na ang mga namimirata ay nagdudulot ng takot sa nakararami? Lalong hindi sapagkat ito nga ang isa sa mga pinagkaka-abalahan ng mga tao ngayon. Ang kahulugan ng terorista ay sadyang pinalawak ng ating gobyerno kasabay ng pag-pasa sa Human Security Act. Ginawa ito ng gobyerno upang mas lalong lumawak ang sakop ng batas na ito. Dahil dito, mas epektibong mapaparatangan ang sino mang maglalakas-loob na kalabanin ang ating gobyerno. Eto na ngayon ang pinaka-bagong bersyon ng Batas Militar sapagkat ayon sa kahulugan ng terorista, ang lahat ay maaaring maakusahan nito. Ang masaklap pa dito ay hindi lahat ng mamamayan ay may alam na may ganito na palang batas na ipinapatupad sa ating lipunan. Maaari na lamang dakpin ang kahit na sino kahit na pinaghihinalaan pa lang siya na isang terorista. At, para palalain pa ito, malamang ay pahihirapan and taong ito sa loob ng interrogation room. Kawawa naman ang nasabing tao sapagkat masasabing makabatas ang kanyang sinapit kung magkataon.

Napakalawak na ng salitang terorismo ngayon. Hindi na natin madaling matutukoy kung ang isang tao ba ay mamamatay-tao lamang o isa mismong terorista. Sinasabi ng gobyerno ng ipinapatupad nila ang Human Security Act sapagkat nais lamang nilang maprotektahan ang mga nasasakupan nito mula sa mga terorista. Ngunit, dahil sa pagpapalawak ng kahulugan nito, sino nga ba ang mga tinutukoy ng ating gobyerno na mga terorista? Ang Abu Sayyaf ba o ang MILF? Mga komunista ba? Sa totoo lang ay masyadong O.A. ang batas na ito. Bakit kailangan pang ipatupad ang batas na ito? Hindi naman ako natatakot lumabas ng aking bahay. Hindi naman ako natatakot na mag-commute papunta at pabalik mula sa aking paaralan. Mas natatakot pa nga ako dahil sa pagpapatupad ng batas na ito. Ngayon ay kahit anong oras, maaaring may nakikinig sa aking mga pakikipag-usap. Ngayon ay kahit anong oras ay maaari na lamang akong dakpin at paratangan ng pagiging isang terorista. Terorista nga ako, ikaw, tayong lahat kung tutuusin. Tayo ay tao lamang. Tayon lahat ay may kakayahang gumawa ng isang bagay na magpapahamak sa ibang tao. Ngunit, sa kabilang dako ay tayo ding lahat ay may kakayahang maging mabubuting maninirahan ng ating bansa.

No comments: